Ibinasura ng Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) ngayong Miyerkules ang inihaing apela ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa naunang desisyon na nagbasura sa kaniyang pagkuwestiyon sa hurisdiksyon ng hukuman.

"The Appeals Chamber, by majority… has rejected all four grounds of appeal. Having rejected the entire appeal, the Appeals Chamber considers that the defense’s request for the immediate and unconditional release of Mr. Duterte is moot," saad desisyon.

"In the present case, the Appeals Chamber, by majority, confirms the impugned decision," dagdag pa sa desisyon na binasa ni Judge Luz del Carmen Ibañez Carranza.

Hindi dumalo si Duterte sa pagdinig matapos niyang hilingin na i-waive ang kaniyang pagdalo.

Kinatawan siya ng kaniyang mga abogado na sina Nicholas Kaufman at Dov Jacobs, at iba pa.

Matatandaan na nauna nang tinanggihan ng ICC Pre-Trial Chamber I ang pagtutol ni Duterte sa hurisdiksyon nito, na nagsasabing nagsimula ang paunang pagsusuri ng prosekusyon bago pa ang pormal na abiso ng Pilipinas sa pag-alis nito mula sa Statute.

Hiniling ng legal team ni Duterte na baligtarin ang naturang desisyon at igiit na walang legal na batayan ang pagpapatuloy ng mga paglilitis laban sa dating pangulo.

Hiniling din ng kaniyang mga abogado ang agarang at walang kondisyong pagpapalaya kay Duterte.

Sa panayam ng GMA News Online bago ang desisyon ng Appeals Chamber, sinabi ni ICC Assistant to Counsel Kristina Conti, na magpapatuloy ang mga proseso laban kay Duterte sa harap ng Pre-Trial Chamber I alinsunod sa schedule kung tatanggihan ang apela.

"We are of course confident it will be the latter. The pre-trial chamber's findings in October 2025 that the ICC has jurisdiction over crimes against humanity committed by Duterte is sound and reasonable. There is no basis in law or fact to reverse it," saad niya sa GMA News Online.

"The ICC must show that there are still institutions that will stand for human rights and against violations of international law. The ICC cannot fail us now, not when the international community is losing face in Iran, Palestine, Ukraine, and many other places," dagdag niya.

Hihintayin naman ngayon sa April 28, 2026 ang desisyon kung matutuloy sa paglilitis ang ibinibintang laban kay Duterte na crime against humanity kaugnay sa ipinatupad na war on drugs campaign ng kaniyang administrasyon na marami ang namatay.— Joahna Lei Casilao/FRJ GMA News