Dalawang hosts ng “Family Feud” ang makikita sa game show sa darating na Biyernes.

Sa social media, ibinahagi ng programa ang promo poster ng episode at inimbitahan ang kanilang mga tagasubaybay na saksihan isang “historic moment on Philippine TV!"

"Steve Harvey on 'Family Feud' ngayong Biyernes na," nakasaad sa poster.

Nakasaad naman sa caption ng "Family Feud" na, "Isang iconic Friday ang hatid niya na siguradong hindi niyo makakalimutan!"

"Survey says it's Steve Harvey on Family Feud," dagdag nito.

Si Steve ang host ng “Family Feud” sa Amerika, habang si Dingdong Dantes naman ang host ng show dito sa Pilipinas na napapanood sa GMA.

Nagmarka sa maraming Pilipino si Steve dahil sa pagkakamali niya noong coronation night ng Miss Universe 2015, nang tinawag niya si Miss Colombia bilang panalo, at si Miss Philippines Pia Wurtzbach ang 1st runner-up.

Ngunit kinalaunan, napag-alaman na nagkaroon ng pagkakamali sa inanunsyo ni Steve, at si Pia ang tunay na nanalo. — FRJ GMA News