Nagbalik si Alex Eala sa clay court na may panibagong determinasyon, matapos dominahin si Anastasia Pavlyuchenkova ng Russia, 6-3, 6-3, sa kanilang laban sa Round of 128 ng WTA1000 Madrid Open ngayong Miyerkules sa Spain.

Para sa susunod na Round of 64, si Elise Mertens ang sunod na makakalaban ng 20-anyos na Pinay tennis star, na maagang natanggal sa nakaraang Stuttgart Open.

Sa kanilang laban ni Pavlyuchenkova, naunang nakaabante ang 34-anyos na Russian, ngunit mabilis na nakabawi ang World No. 44 na si Alex sa pamamagitan ng pagkuha ng sumunod na dalawang laro, at maagaw ang bentahe sa opening set.

Nabitin pa ang opensa ng Russian na world no. 116 nang humingi siya ng medical timeout. Matapos nito, nakuha ni Eala ang tatlo sa sumunod na apat na laro. Kabilang na ang Game 9 na kaniyang tinapos matapos na mag-double fault si Pavlyuchenkova.

Sa ikalawang set, mabilis na nakuha si Eala ang 3–1 na abante bago muling nagpakita ng lakas si Pavlyuchenkova at panatilihin ang pag-asa niya sa laban. Ngunit hindi na siya hinayaan ni Eala na makubuwelo dahil ibinulsa ng Pinay tennis star ang sumunod na dalawang laro upang makalapit sa panalo sa iskor na 5–2.

Nakakuha pa ng isang puntos si Pavlyuchenkova matapos pabagsakin si Eala sa pamamagitan ng dalawang ace upang makuha ang ikawalong laro.

Gayunpaman, gumanti si Eala at nagpakawala ng malakas na serve na hindi naibalik ng Russian, dahilan upang makumpleto ng Pinay ace ang straight-sets na panalo at umabante sa Round of 64. -- Bea Micaller/FRJ GMA News