Patay ang dalawang overseas Filipino worker (OFW) sa isang insidente ng pamamaril na kinasangkutan ng kanilang amo sa Beirut, Lebanon, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) nitong Martes.
Sinabi ng DMW na parehong household service worker ang mga biktima na nagtatrabaho sa iisang tirahan. Nabaril sila sa isang nangyaring hostage noong Abril 15.
Inaresto na ng mga awtoridad ang amo, na nasa kustodiya na ng pulisya habang hinihintay ang pagsasampa ng pormal na kaso.
Sinabi ng DMW na nakikipag-ugnayan ito sa Embahada ng Pilipinas sa Lebanon at mga lokal na awtoridad upang matiyak ang masusing imbestigasyon at wastong legal na aksyon.
Inatasan ni Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac ang mga opisyal na magbigay ng tulong sa mga pamilya ng mga biktima.
Nakatakdang personal na bisitahin ng mga DMW Undersecretary na sina Bernard Olalia at Felicitas Bay ang mga pamilya para magpaabot ng pakikiramay at tiyakin sa kanila ang suporta ng gobyerno.
Sinabi ng ahensiya na kasama sa tulong ang mga repatriation arrangement at akses sa mga benepisyo para sa mga pamilya ng mga biktima.
Inulit din ng gobyerno ng Pilipinas ang pangako nitong makamit ang hustisya para sa mga nasawing manggagawa. —Jamil Santos/VBL GMA News

