Inutusan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Manila Electric Company (Meralco) na ibalik sa mga kostumer nito ang natitirang balanse na P14.17 bilyon, matapos makompleto ang regulatory process para sa distribution charges na ipinatupad mula Hulyo 2022 hanggang Disyembre 2024.

Nag-ugat ang desisyon sa kumpirmasyon ng ERC sa mga aprubadong distribution rates na siningil sa mga kontumer, na ikinumpara sa kinuwentang Actual Weighted Average Tariff (AWAT) ng Meralco.

''The ERC’s mandate is to protect consumers while ensuring a stable and predictable regulatory environment. By expediting the refund, we are providing more immediate relief to Meralco consumers, particularly in the face of rising electricity costs driven by global and domestic factors,'' ayon kay ERC Chairperson at CEO Atty. Francis Saturnino Juan.

"The true-up mechanism is a safeguard embedded in our regulatory framework, ensuring that tariffs remain cost-reflective and reasonable at all times," dagdag ni Juan.

Ayon sa ERC, ang naturang taripa ay batay sa aktuwal na kita at benta ng kuryente ng Meralco sa nasabing panahon.

Binigyang-diin ng ERC na tinitiyak ng mekanismong ito na patas ang singil sa mga kostumer —''neither more nor less than what is permitted under the ERC’s regulation governing the lapsed years when it was not able to conduct a rate reset of the private utilities under performance-based regulation.''

Inihayag din na ang paunang refund na halos P20 bilyon ay nagsimula noong Abril 2025 sa rate na P0.1189/kWh, na hanggang Pebrero 2026, mayroon pang P14.17 bilyon ang hindi naibabalik.

Para makatulong sa mga kostumer sa gitna ng inaasahang pagtaas ng generation charges dahil sa krisis sa Gitnang Silangan, inatasan ng ERC ang pagbabalik ng natitirang halaga sa loob ng mas maikling panahon na 12 buwan sa halip na orihinal na 36 buwan.

Dahil sa pagbabagong ito, tataas ang average refund rate sa P0.2511/kWh, na makikita sa mga bill ng kuryente ng mga kostumer ng Meralco. Ayon sa ERC, lalabas ang refund bilang hiwalay na item na may label na “AWAT (Refund)/Collect,” upang malinaw na makita ang halagang ibinabalik sa kanila bawat buwan.

Humingi ng komento ang GMA News Online sa Meralco hinggil sa direktiba ng ERC, ngunit wala pa itong tugon hanggang sa oras na mailathala ito.

Ayon pa sa ERC, para sa mga kabahayan at negosyo, ang naturang desisyon ay magreresulta sa mas mababang bayarin sa kuryente sa susunod na 12 buwan. Dahil sa mas mataas na refund rate, mas mabilis mararamdaman ng mga kostumer na makatutulong upang maibsan ang pasanin sa pagtaas sa generation charges at iba pang gastusin.

Samantala, inaasahang mas mapapansin ang magiging pagbaba sa buwanang bill ng mga residential customer, dahil sila umano ang may pinakamataas na refund rate sa nasabing kategorya. — Anna Felicia Bajo/FRJ GMA News