Kinatatakutan ng mga residente sa isang lugar sa Cebu ang naririnig nilang misteryosong busina ng barko. Kapag nadinig daw ito, may mga nagkakasakit at may namamatay pa. Signos nga ba ng kamatayan?

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nagdadasal tuwing 3 a.m. at umiikot sa lugar ang ilang residente ng Barangay Kalunasan. May bitbit silang mga kandila at imahen ni Immaculate Conception para matigil na ang pinaniniwalaan nilang sumpa sa dumating sa kanilang lugar.

"Ang sabi ng iba, ang tunog daw, galing sa pier. Pero imposible sa pier kasi ang layo ng pier sa amin," sabi ng residenteng si Alma Tanudtanud.

"Tatlong beses siyang tumutunog at meron talaga siyang kinukuha. Pagkatapos tumunog, sa susunod na araw may namamatay," dagdag ni Tanudtanud.

Isa sa mga nakarinig ng misteryosong busina ng barko si Tatay Jose Rojo noong Setyembre 11. Kinabukasan, sumama ang pakiramdam ng kaniyang anak na si Paul.

Ayon kay Tanudtanud, nakita na lamang ng mga residente na bumubula ang bibig ni Paul. Kinalaunan, pumanaw din si Paul.

Ang asawa naman ni Rosemelinda Dela Calzada, narinig ang busina bago inatake kinabukasan.

"Sabi ko sa asawa ko, 'Narinig mo ba 'yon?' Sabi niya 'Oo.' Kinabukasan, inatake ang asawa ko. On the spot, patay!" ayon kay Dela Calzada

Si Marylou Obtina, isinalaysay na nakita niya na raw ang isang misteryosong barko taong 1987, na maraming sinag na tila disco light.

Ayon naman sa 72-anyos na si Filomena Vallecer, may kuwento ang mga matatanda tungkol sa diwatang si "Maria Cacao" na una raw na sumasakay sa barko. At kapag tumunog na ang barko, may mamamatay sa mga susunod na araw.

Naging "biktima" rin ang anak ni Jocelyn na si Michael, na naka-confine noon sa ospital. Pero nang marinig ang misteryosong tunog ng 6 a.m., pumanaw si Michael ng 6:30 a.m.

Dahil dito, humingi na ng saklolo ang mga taga-Barangay Kalunasan sa paranormal researcher na si Ed Caluag para imbestigahan ang misteryosong tunog.

Tunghayan sa video ng "KMJS" ang natuklasan ni Ed tungkol sa umano'y kababalaghan sa Barangay Kalunasan. May ipinaliwanag din ang mga awtoridad hinggil sa misteryosong busina ng barko na nadidinig ng mga tao. Panoorin ang buong kuwento. --FRJ, GMA News