Nasaksihan ng publiko ang paglipad ng flying car na naimbento ng isang Chinese company nang i-test flight ito sa Dubai, UAE.

Sa ulat ng Saksi, sinabing isinagawa ang siyam na minutong test flight ng X2, isang electric vertical take-off and landing (eVTOL) flying car ng kumpanyang Xpeng, na ikinamangha ng mga manonood.

Maliban sa futuristic nitong hitsura at teknolohiya, wala ring inilalabas na carbon dioxide ang X2.

Isinagawa ang test flight sa Dubai, na itinuturing na isa sa "most innovative cities in the world."

Kaiba sa karaniwang mga SUV, isang pasahero lamang ang puwedeng isakay ng X2.

Sinabi ng Xpeng na patuloy ang kanilang pananaliksik para sa iba pang modelo ng flying car. —Jamil Santos/LBG, GMA News