Ilang beses naduwal at sumama ang pakiramdam ng paranormal researcher na si Ed Caluag nang siyasatin niya ang isang tenement building sa Taguig na mayroon umanong kaluluwa ng babaeng nagpaparamdam.

Sa special episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" na "Gabi Ng Lagim," napag-alaman na sa Unit 771 umano partikular na nagpaparamdam ang pinaniniwalaang kaluluwa ng isang babae.

Taong 1963 nang ipatayo ang tenement na mayroong 700 units. Isa sa mga nakabili ng unit si Mang Lino.

Ayon kay Mang Lino, nabili niya ang unit noong 1989 sa halagang mahigit P30,000. Ikinatuwa niya ito dahil mayroon na siyang sariling bahay at hindi na siya makikitira sa kamag-anak.

Nang malaman ng ibang unit owner na siya ang nakabili sa Unit 771, doon lang niya nalaman na mayroong umanong nagpaparamdam rito, at mayroong umanong namatay.

Sa kabila ng kaniyang natuklasan, binalewala niya ito. Pero hindi nagtagal, may nararamdaman at may nadidinig nang kakaiba sa kaniyang unit si Mang Lino.

Kabilang dito ang tinig ng babaeng humihingi ng tulong. May pagkakataon din na tila may nagbubukas ng pinto.

Bukod kay Mang Lino, may iba pang nakatira sa lugar na may nakakakilabot na karanasan sa pinaniniwalaan nilang kaluluwa na nanggagaling sa Unit 771.

Ang "KMJS" team, naglagay ng CCTV camera sa loob at labas ng naturang unit. Dakong 3:00 am, nairekord ang tila tinig ng babaeng humihingi ng "tulong" at sumigaw ng "saklolo."

May nahuli-cam din sa CCTV na tila anino na dumaan kahit wala namang ibang tao sa lugar.

Upang malaman kung ano o sino ang nagpaparamdam sa tenement partikular sa unit 771, nagsiyasat ang paranormal researcher na si Ed Caluag.

Hindi ipinaalam kay Ed ang madalim na nakaraang tungkol sa umano'y babaeng namatay sa gusali. Pero madaling naramdaman ng paranormal researcher ang mga pangyayari. Kabilang ang tila boses na humingi ng "tulong" at tila biglang may "nalaglag" sa gusali.

Sa pagpapatuloy ng kaniyang imbestigasyon, nasubok ang tibay ni Ed dahil ilang beses siyang naduwal at sumama ang pakiramdam sa "bigat" nang kung anuman ang kakaibang nilalang na nasa tenement.

At makalipas ng maraming taon na sarado ang Unit 771, binuksan itong muli at pinasok nina Ed sa hangarin na makausap ang nilalalang na narito at matulungan nilang mapalaya.

Ano kaya ang kanilang matutuklasan at kayanin kaya ito ni Ed at kaniyang mga kasama? Panoorin ang makapanindig balahibong episode sa video.--FRJ, GMA News