Isang apartment sa Loyola, Quezon City ang dinagsa ng mga tao kamakailan na may dala na mga lumang P1 coin na malaki na may pigura ni Dr. Jose Rizal dahil sa papalitan umano ito ng P25,000 kada piraso. Pero may katotohanan nga ba ito o nabiktima ng panloloko ang mga nais magbenta na galing pa sa probinsiya ang iba?

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng magkaibigang Simon at Gero, na mula pa sa lalawigan ng Quezon, na mga lumang P1 coin na may nakasaad na taon na 1971, 1972 at 1974, ang handa raw bilhin sa halagang P25,000 kada isa ng mga nagpakilalang ahente.

Kaya naman lumuwas sa Quezon City ang magkaibigan na dala ang naitabi nilang lumang P1 coins na kung totoo na mabibili ng P25,000 kada isa, kikita sila ng P12 milyon.

Malaking halaga umano iyon para makabayad sila sa utang at makapagtayo ng negosyo.

Ngunit hindi lang pala sina Simon at Gero ang nagbabakasali na biglang yayaman dahil sa lumang P1 coins dahil marami ang dumagsa sa naturang apartment.

Maging ang tanod sa barangay na si Manuel, naingganyo na ring maghanap ng lumang P1 coin nang malaman kung gaano kalaki ang magiging kapalit kapag naibenta ito.

Subalit matapos umanong bilangin sa apartment ang mga dalang coins at papirmahin sa sinasabing kasunduan kung kailan sila babayaran, walang bayaran na nangyari.

Idinahilan umano ng ahente na wala pa silang nakikita sa mga baryang dinala na 1971 coin, na sinasabing "susi" para mabuksan ang vault na pinaglalagyan ng pambayad sa mga nagbebenta ng barya.

Ipinatawag ng barangay ang tatlong tao na sinasabing nangungupahan sa apartment na nagsisilbing ahente umano upang alamin kung totoo ba ang ipinapangako nito sa mga tao, at ang tungkol sa 1971 coins.

Gayunman, wala raw naipakitang katibayan ang mga ito. At dahil ilang araw na ang lumilipas na walang nangyayaring bayaran, ang ibang lumuwas pa ng probinsiya, nauubusan na nang panggastos.

Hanggang sa malaman na lang nila na wala na ang mga sinasabing ahente, pati ang mga lumang barya. Sa ipinadalang mensahe ng mga ito sa mga nagbebenta ng barya, sinabi ng mga ahente na inilipat nila ng lugar ang mga barya for safety reason dahil may plano umanong magnakaw sa lugar na kinaroroonan nila.

Ngunit mayroon nga bang 1971 na sinasabing pinakamailap na barya na sa lahat?

Ayon sa numismatist o coin expert at collector na si Angelo Bernardo, walang ginawa na P1 coin ang Bangko Sentral ng Pilipinas na may taon na 1971.

Aniya, ang huling barya na nilimbag ng BSP na malaking P1 coin ay 1970, at sumunod na ang 1972 at 1974 na si Dr. Jose Rizal.

Idinagdag niya na maraming P1 coins na 1972 at 1974 na ginawa ang BSP. Kung may bibili umano ng mga barya na ito bilang koleksyon, ang presyo lang ay nasa P5 hanggang P10 ang bawat isa--ngunit imposibleng bilhin ng P25,000.

Ang mga nabiktimang magbebenta ng P1 coins, umaasang mahuhuli at makasuhan sana ang mga nanloko sa kanila. -- FRJ, GMA Integrated News