Maliban sa mga koleksyong makikita sa National Museum of Natural History sa Maynila, atraksyon din ang isang dambuhalang bato sa labas nito na sinasabing ibinuga ng Bulkang Mayon sa Albay. Totoo nga ba ito? Alamin.Sa isang episode ng “I Juander,” sinabing may taas na katumbas na pinagpatong na dalawang tao na nakatayo ang naturang bato, na may bigat na 60 tonelada o halos katumbas ng 30 kotse.Ang naturang bato, ibinuga umano ng Bulkang Mayon sa Albay nang pumutok ito noong 1814.Ayon sa geologist at OIC ng Geology and Paleontology Division ng National Museum of the Philippines na si Maileen Rondal, andesite ang tawag sa klase ng naturang bato, na isang igneous rock na karaniwang ibinubuga ng mga bulkan.Kaakibat ng kuwento ng malaking bato ang malungkot na pangyayari sa pagputok ng Mayon noong 1814 dahil 1,200 katao ang nasawi sa naturang pangyayari.Mula sa Albay, ibiniyahe at dinala ang bato sa Pambansang Museo ng Maynila noong ginagawa pa lang ito.“Ang mga boulders na ito ay sumisimbolo sa pagiging volcanic country ng Pilipinas. So noong ginagawa ang National Museum of Natural History, napagdesisyunan ng pamunuan ng Pambansang Museo na maglagay ng mga bato mula sa pinakamaganda, pinakamakasaysayan at pinakaaktibong bulkan sa Pilipinas at ‘yun nga ‘yung Bulkan Mayon,” sabi ni Rondal. -- FRJ, GMA Integrated News