Matapos pagsabihan ng kanilang amo na lulutuin ang unang gagalaw, ang isang grupo ng mga alagang baboy, hindi nga gumalaw. Nakakaintindi nga ba ng salita ng tao ang mga baboy? Alamin.
Sa ulat ng FYP ng GMA Public Affairs, ipinakita ang video upload ni Marx Barquilla, isang guro, at nag-aalaga ng mga baboy.
Sa video, tila nakikipaglaro si Marx sa mga baboy na lumalapit sa kaniya kapag tinawag niya. At nang gulatin niya, naglayuan naman sila.
Dito na niya biniro ang mga baboy na sinabihan niyang lulutuin ang unang gagalaw. Ang mga baboy, tumigil sa paglakad at hindi nga gumalaw.
"Kadarating ko lang dun sa babuyan nagulat sila, nagtakbuhan. Naisip ko i-video ko kaya ang mga ito. Pagka-video ko sa kanila, 'ok ang gagalaw ay lulutuin, nagtakbuhan sila tapos biglang titigil," kuwento ni Marx.
Paliwanag ni Marx, instinct ng baboy na magtakbuhan kapag nagugulat at pagkatapos ay titigil upang makiramdam kung may panganib sa paligid nila.
Ayon kay Dr. Romulo Bernardo, wildlife veterinarian, hindi direktang nauunawaan ng mga baboy ang sinasabi ng tao pero maaari silang maturuan sa pamamagitan ng akyon o gesture.
Dagdag pa niya, may tatlong paraan ng pagtugon ang mga hayop kapag may panganib sa kanila--ang lumaban, ang tumakas, at ang magpatay-patayan gaya ng pag-freeze.
Paliwanag pa ni Bernardo, biglang tumitigil ang mga baboy kapag sinusuri nila ang sitwasyon upang pag-isipan ang kanilang gagawin kung tatakbo o lalaban.
Sa sitwasyon ng mga baboy sa video, dahil sa mga bata pa ang mga hayop, nag-freeze sila o tumigil.
Pero kakatayin ba talaga ang mga baboy sa naturang video?
Ayon kay Marx, hindi pa naman dahil mga bata pa ang mga ito at kailangan pang palakihin.
Pero hiling din ni Marx, huwag sanang masamain ang kanilang kabuhayan bilang isang magbababoy. --FRJ, GMA Integrated News