Isang bata ang nakaligtas mula sa posibleng pagkakabagok ng ulo sa sahig nang mahulog siya sa kaniyang upuan at eksakto namang nahulog din ang isang unan na sumalo sa kaniya. Posible kayang pinagalaw ng "guardian angel" ang unan?

Sa isang video na iniulat ng GMA Integrated Newsfeed Bytes, mapanonood na abala ang isang pamilya sa Southern Leyte habang nasa lamesa upang kumain. 

Ang bata, nasa sala naman at nakaupo sa silya. May kasama naman siyang nakatatanda pero tila abala sa pagbutingting ng nais panoorin sa TV.

Hanggang sa bahagyang gumalaw ang unan sa sofa kahit na wala namang humahawak na tao.

Ilang sandali lang, patalikod na nahulog ang bata mula sa kaniyang kinauupuan.

Sa video, makikitang eksakto ring nahulog ang unan na nasa sofa, na nagsilbing kutson sa nahulog na bata kaya hindi siya nabagok sa sahig.

Agad namang lumapit ang isang lalaking kaanak at binuhat ang paslit mula sa pagkakatumba.

Para sa ina ng sanggol, isang anghel ang nagligtas sa kanilang bunso.

Sa comment section ng post, maraming netizens ang nagpahayag na totoo na may guardian angel ang mga bata. -- FRJ, GMA Integrated News