Namangha ang mga tao sa Naga City, Camarines Sur na dumalo sa isang pagtitipon sa simbahan nang makakita sila sa kalangitan ng ulap na hugis na parang tao. Ang paniniwala nila, aparisyon ito ni Hesus o kaya naman ay ng Birheng Maria.

Sa ulat ni Kim Atienza sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente habang idinadaos ang National Youth Day Cáceres 2025. Lumitaw umano ang ulap na hugis-tao sa closing mass ng pagtitipon sa Peñafrancia Basilica.

“Isa ako sa mga active youth member dito sa aming parokya. I shouted... I even shouted and it's really aligned in our activities kaya goosebumps talaga,” sabi ni Noelle Galia na kabilang sa mga nakakita.

Sabi pa ni Noelle, “It's like Mama Mary of Lourdes or Fatima... It's kinda like that para sa akin.”

Pero isa nga bang aparisyon ang namataan sa kalangitan ng Naga, ayon kay Fr. Franz Dizon, hindi kaagad-agad idinedeklara ang isang milagro.

“Hindi natin puwedeng ideklara kaagad na ‘yan ay isang milagro dahil yung milagro ay isang bagay na hindi pangkaraniwang nangyayari. Pero yung cloud formation ay isang pangkaraniwang bagay,” saad niya.

Ang paliwanag naman ng Pagasa weather specialist sa nakitang ulap.

“Yung mga ganung nagfo-form ay natural na nangyayari talaga sa atin. May mga factors na nakaka-contribute dun,” ayon kay John Manalo, weather specialist ng Pagasa.

Ang patayong ulap na napagkamalang imahe ni Hesus o Birheng Maria, maaring dulot daw ng kung tawagin ay vertical wind shear o pagbabago ng direksyon o bilis ng hangin, o sa iba’t ibang altitude o antas sa atmosphere.

“Dahil sa wind direction at doon sa mga lakas nung winds na ‘yun, nagkakaroon ng random images na nape-perceive natin. Hindi siya rare. Nagkataon lang siguro na yung picture ay nandun sa may simbahan,” dagdag ni Manalo. —FRJ, GMA Integrated News