Isang bata na isa't kalahating-taong-gulang ang nasawi matapos umanong mahirapang huminga habang natutulog nang nakadapa sa Quezon.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, inihayag ng ina ng bata na si “Jennifer,” hindi niya tunay na pangalan, na dakong 8:00 pm noong June 21 nang maghapunan ng kain at sabaw ang kaniyang ina.

Pagkaraan ng kalahating oras, dumeme ng gatas ang bata at saka natulog dakong 9:00 pm.

Dakong 12:40 am naman nang magising si Jennifer para umihi at nakita niya ang anak na nakadapa.

Nang itihaya umano niya ang bata, napansin ng ina na “parang sobrang lanta’ nito at hindi gumagalaw.

Sinabi pa ni Jennifer na nakita niyang violet na ang labi ng kaniyang anak nang buksan niya ang ilaw.

Nang dalhin sa ospital, doon nila nalaman na marami umanong likido at pagkain sa baga ng bata.

Sa death certificate, aspiration pneumonia ang ikinamatay ng bata, o nahirapang makahinga.

Ipinaliwanag umano sa kanila na ang laman ng tiyan ng anak ay napunta sa baga na dahilan ng suffocation ng bata dulot na rin ng pagtulog nito na nakadapa.

Sinabi pa sa kanila na karaniwan umanong sumusuka ang tao kapag hindi makahinga, na hindi nagawa ng bata kaya napunta sa baga ang laman nito sa tiyan.

“Huwag niyo pong hahayaan na kahit sanay po ang anak niyo na nakadapa, huwag niyo pang hahayaan na matutulog sila nang ganun kasi [baka] matulad siya sa anak ko na sanay na sanay naman pong dumapa pero ganun po yung nangyari,” paalala ni Jennifer.

Ayon sa eksperto, batay sa pag-aaral ay hindi maganda ang pagtulog nang nakadapa lalo na sa mga sanggol at bata.

“Some of the research shows that sleeping on the stomach can block the airway because it increases what we call ‘rebreathing.’ That means they breath on their own exhaled air. Bumababa yung oxygen sa katawan mo and the level of carbon dioxide rises, so, that’s really not good,” ayon kay Dr. Benjamin Co, pediatrician.

“If you have a baby who is in the chest position, hindi nila kayang bumaligtag to stay on the back position already,” dagdag niya.—FRJ, GMA Integrated News