Tatlong ang sugatan, kabilang ang dalawang bata, matapos silang atakihin ng isang alagang leon na nakalabas ng bahay at nakarating sa kalsada sa Lahore, Pakistan.
Sa ulat ng GTV News “Balitanghali” nitong Lunes, ipinakita ang video footage nang sumampa sa bakod ng bahay ang leon kaya nakapunta sa kalsada.
Nang nasa kalsada na, isang babae ang nakasalubong ng leon na kaniyang inatake.
Mabuti na lang at may residente na sumaklolo sa babae kaya nilubayan siya ng leon.
Muling nagtatakbo ang leon at dalawang bata pa ang sinunggaban ng leon.
Dinala sa ospital ang tatlong biktima na maayos na umano ang kalagayan.
Nahuli naman kinalaunan ang leon ng mga tauhan ng wild life department ng Pakistan.
Nakatakda umano sampahan ng reklamo ang may-ari sa leon dahil sa ginawa ng kaniyang leon.—FRJ, GMA Integrated News
