Isang bata ang nahuli-cam na tinangay ng malakas na agos ng baha at nahulog sa malaking hukay na puno ng tubig sa isang bahagi ng ginagawang kalsada sa Batasan Hills sa Quezon City.
Sa ulat ng GTV News State of the Nation nitong Lunes, makikita ang bata na naglalakad sa gilid ng daan at tila sinusundan ang isang lalaki nang tangayin siya ng malakas na agos.
Nahulog ang bata sa malaking hukay ng ginagawang kalsada at mabilis namang tumalon din sa hukay ang lalaki na kaniyang sinusundan.
Ilang kalalakihan din ang maagap na lumusong sa hukay na puno ng tubig para hindi lumusot sa butas na daluyan ng rumaragasang baha ang bata.
Sa kabutihang-palad, nakuha ang bata at ligtas siyang naiahon mula sa hukay na puno ng tubig. – FRJ, GMA Integrated News
