Matinding kalungkutan na nasundan ng pangamba ang naramdaman ng isang pamilya sa Malabon nang sunod-sunod na namatay ang pito nilang kaanak. Nangyari raw ito mula nang mabawasan ang baytang sa hagdan ng kanilang bahay nang pataasan nila ang sahig dahil sa baha. May kinalaman nga ba ang paniniwala sa “Oro, Plata, Mata” sa hagdan sa nangyari sa kanilang pamilya? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing Marso 2022 nang patambakan ng pamilya nina Racquel Bose ang sahig ng kanilang bahay para tumaas.

Makaraan lamang ang isang buwan, na-stroke ang kapatid ni Racquel na si Romelio, at namatay.

Pagdating naman ng Oktubre ng parehong taon, pumanaw naman ang kanilang ina na si Maria nang tumaas ang diabetes nito.

Hindi pa man tapos makapagbabang-luksa lumalaki at lumiliit naman ang puso ng pamangkin ni Racquel na si Regina.

Si Regina, tila nagpahiwatig umano na susunod na mawawala nang sabihin na, “‘Yung dalawang ito (Maria at Romel), ako na lang ang hinihintay nito eh,’” ayon sa pamangkin ni Racquel na si Rosalina Bose.

At noong Setyembre 2023, pumanaw na si Regina. At wala pang isang taon, magkasunod namang nagkasakit at namatay ang pamangkin ni Racquel at ang isa pa niyang kapatid.

Agosto lang ng 2024 nang biglang sumakit ang tiyan ng limang-taong-gulang na pamangkin ni Racquel na si Ryle dahil sa simpleng bulate, na humantong sa komplikasyon.

Noon namang nakaraang Nobyembre, nagka-leptospirosis ang kapatid ni Racquel na si Rodolfo Jr.

Hanggang sa namatay din ang ama ni Ryle na si Raymond matapos ma-stroke nang pumutok ang ugat sa kaniyang utak.

Si Raymond, minsan na ring napanaginipan ng anak ni Racquel na nakahiga sa ataul, at may nakapatong na sanggol. Kalaunan, natuklasan ni Racquel na buntis ang asawa nito.

Hinala ni Rosalina, ang kanilang hagdanan ang nagdadala umano ng malas sa kanilang tahanan dahil sa pamahiin na “Oro, Plata, Mata,” na nangangahulugang “ginto, pilak at kamatayan.”

Pagkabilang nila sa hagdan, natuklasan ni Rosalina na bumagsak sa “Mata” o “kamatayan” ang pinakatuktok na baytang ng kanilang hagdan.

Mula sa dating 11 na baytang ng hagdan, naging siyam na lang ito nang tabunan ang dalawang baytang noong 2022.

Ang hipag ni Rosalina naman na si Mariel Razo, bukas ‘di umano ang third eye at mayroon nang mga nakikitang kakaibang nilalang sa kanilang tahanan.

Kabilang sa kaniyang nakikita ang isang batang palakad-lakad sa hagdan, isang matanda na nasa edad 60 o 70 na nakabarong, at isa ring babae na nakaputi, mahaba ang buhok at tila galit.

Upang alamin kung may kababalaghan nga na nangyayari sa nasabing tahanan, nagtungo roon ang paranormal expert na si Ed Caluag upang magsiyasat. Ang kaniyang natuklasan, alamin sa buong kuwento ng “KMJS” sa video. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News