Nauwi sa disgrasya ang sightseeing na ginawa ng ilang turista sa isang amusement park sa Nalchik, Russia nang bumigay ang kable ng sinasakyan nilang chairlift o cable chair, at may mga bumagsak sa lawa.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita na maayos ang takbo ng chairlift sa simula nang bigla itong lumundo ang kable at tuluyang nahulog sa lawa ang ilang cable chair.
Ang isang sakay sa cable chair na nakalampas sa lawa, sa bakod at puno tumama.
Ayon sa mga awtoridad, 13 ang nakasakay noon sa chairlift.
Isa sa mga nasugatan ang kritikal umano ang lagay, ayon sa regional health ministry.
Sa paunang imbestigasyon, lumabas na naputol ang mga kable ng ride dahil sa kalumaan nito. Taong 1968 nang itayo ang chairlift na sinasakyan ng mga turista na gustong mag-sightseeing.
Iniimbestigahan na nagkaroon ba ng pagkukulang sa maintenance at safety inspection nito. – FRJ GMA Integrated News
