Kinaaliwan ng netizens ang kakaibang sagupaan ng isang daga at isang alimango na kanilang nasaksihan sa viral video na nahuli-cam sa loob ng isang bahay sa Barobo Surigao del Sur. May napuksa kaya sa dalawa?

Sa ulat ni Kim Atienza sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkoles, napag-alaman na nangyari ang bardagulan sa kuwarto mismo ng video uploader na si Gynuard Magat.

Sa video, makikita na ilang beses na tinangkang atakihin ng daga ang alimango, na alisto naman ang dalawang sipit bilang depensa.

Ayon kay Magat, mistulang boarder na niya ang daga na mayroon mga anak na inaalagaan sa kaniyang kuwarto.

Samantala, posible naman daw nanggaling ang alimango sa ilog na nasa labas ng kaniyang bahay.

“Kasi kapag hightide umaapaw yung ilog so yung tirahan ng mga crab parang nabubulabog. Kaya siguro ‘yon yung dahilan kaya nakapasok sa kuwarto [yung crab],” paliwanag ni Magat.

Gayunman, hindi na nalaman ni Magat ang resulta ng labanan ng dalawa nang lumusot ang daga at alimango sa ilalim ng kaniyang kama.

“Nag-away pa sila actually [sa ilalim ng kama]. Unang lumabas yung crab naiwan yung daga. Hindi ko alam kung sino yung nanalo,” sabi ni Magat.—FRJ GMA Integrated News