Napuno ng emosyon na may halong kababalaghan ang debut party ng isang babae sa Batangas dahil sa hinalang sumanib ang kaluluwa ng namayapang ama ng debutante sa kaniyang kuya nang ganapin na tradisyunal na 18 roses dance.
Sa video na ipinakita sa GMA Integrated Newsfeed, makikitang naghahagulgulan ang debutante at kaniyang mga kaanak, habang inaalalayan ang kaniyang kuya na hindi raw alam kung ano ang nangyari.
Sa simula ng party, makikitang masaya ang lahat. Pero nag-iba ang sitwasyon nang maging last dance ng debutante na si Aria Mae delos Santos, ang kaniyang kuya.
Hindi kasi inasahan ni Aria nang tawagin umano siya ng kaniyang kuya sa palayaw na tanging ang namayapang ama lang niya ang tumatawag sa kaniya.
Sampung taon na ang nakararaan nang pumanaw ang ama ni Aria, at Grade 3 palang siya noon.
“Nagulat po ako nung lumapit na po yung brother ko. Tinawag niya na po ako sa nickname ko yung sa ‘Dayang’ nga raw po. Iba po kasi yung way nung [pagtawag] kay Papa. Kapag yung sa father ko na po is may tono po siya ng ‘Dayang-dayang’ [na kanta],” kuwento niya.
Doon na napagtanto ni Aria na posibleng sumanib ang kaniyang ama sa kaniyang kuya. Maging ang iba nilang mga kapatid at kaanak, nakiyakap na rin sa kanila.
Maging ang mga bisita, hindi na rin napigilan na maluha.
“Nagsasabi lang po siya sa akin na ‘wag daw akong umiyak kasi proud naman daw po siya sa akin. Lalo po akong nag-cry kasi iba na po yung way nung voice nung brother ko,” sabi pa ni Aria.
Ginamit din ni Aria ang pagkakataon para humingi ng tawad sa kanilang ama dahil umalis siya sa tabi nito bago pumanaw.
“Bago po kasi siya mawala, umalis ako sa tabi niya. Tapos sabi po sa akin ng mga kapatid ko, bakit daw po ako umalis. Ako daw po yung hinahanap ni Papa bago siya mawala,” sabi ni Aria.
Matapos ang ilang saglit, tila bumalik na ang ulirat ng kuya ni Aria na wala raw maalala at litong-lito sa nangyari kaya inalalayan siya.
“Para daw po siyang bagong gising na hindi na namalayan nasa unahan na, nasa tabi ko daw po. Hindi naman po siya noon lasing,” sabi ni Aria.
Batid ni Aria na marami ang hindi maniwala sa nangyari sa kanila. Katunayan may mga nam-bash daw sa kaniya nang i-post niya ang video. Pero ang mahalaga sa kaniya, nakuhanan ng video ang naturang pangyayari na kahit wala na ang kaniyang ama ay nayakap at nakasayaw niya ito sa kaniyang debut kahit wala na siya.
Bunsong babae si Aria sa pamilya at naging malapit sa ama. Sa darating na kaarawan ng kaniyang ama sa Sept. 19, hangad niya na makausap muli ito kahit sa panaginap lang. – FRJ GMA Integrated News
