Laking gulat ng mga residente sa isang barangay sa Makilala, North Cotabato nang matumba ang isang malaki at matandang puno na nasa gilid ng kalsada sa kasagsagan ng pag-ulan. At lalo pa silang namangha nang mapansin nila ang tila sementadong baul na nakadikit sa ilalim ng natumbang puno. May ginto kaya na bahagi ng Yamashita treasure na nasa loob ng baul? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing bukod sa misteryosong tila sementadong baul, may nakita rin na mga barya na pinaniniwalaang luma ang nahukay din sa lugar ng natumbang puno.
Lalo tuloy lumakas ang hinala ng ilan na baka nga may kayamanan na nasa loob ng sementadong baul.
Ang magkaibigang Dondon at Charles ang kumuha sa tila sementadong baul at kanilang tinibag para malaman kung mayroon itong laman.
Si Dondon, aminadong nakaramdam ng kaba at kasabikan na makumpirma kung may ginto silang makukuha sa baul dahil mababago nito ang mahirap nilang buhay.
Gayunman, matapos nilang matibag ang sementadong tila baul, natuklasan nila na purong bloke lang ito ng semento at walang anumang laman.
Si Dondon, labis na nadismaya sa kinalabas ng kanilang pagtibag sa semento.
Ngunit kung bigo sina Dondon at Charles na makahanap ng ginto, suwertihin naman kaya ang mga residente na nakahukay ng mga barya o coins mula sa natumbang puno? May katumbas kaya na malaking halaga ang mga barya?
Sinamahan ng KMJS team ang mga may-ari ng barya sa isang eksperto sa coins upang malaman ang halaga ng mga ito. Napag-alaman din na mula sa ibang bansa ang mga barya. Alamin ang buong kuwento sa video ng KMJS. Panoorin.--- FRJ GMA Integrated News
