Nakabalot sa tela at may tali ang multo na umano’y nagpakita sa isang Pinoy na seaman habang nakasakay siya sa barko. Ang naturang uri ng multo, tinatawag sa Indonesia na “Pocong.”
Ang “Pocong” ang isa sa mga kuwento na matutunghayan sa upcoming horror movie na “KMJS’ Gabi ng Lagim,” na ipalalabas sa mga sinehan simula sa Nobyembre 26.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ikinuwento ng seaman na si Mark Bryan Peñaroyo, mula Iloilo, ginambala siya ng Pocong nang unang beses niyang sumakay sa barko.
Ayon kay Mark, wala pang bakanteng kabina o kuwarto noon kaya pinatuloy muna sila sa ospital ng barko kasama ang isa pang Pinoy.
“‘Yung higaan namin, parang siyang tubig. Unti-unti kaming nalulunod. Limang araw din namin na experience 'yung gano'n,” kuwento ni Mark.
Hindi nagtapos sa kaniyang karanasan ang mga kababalaghan sa loob ng barko. Kalaunan, nagpakita umano sa kaniya ang Pocong.
“Ako lang mag-isa du’n sa may harap ng bridge. Lumamig 'yung buong bridge. 'yung hitsura niya parang kagaya sa mga Muslim na kapag binuburol sila, kalahati ng mukha niya 'yung nakita ko. Parang siyang na-mummify. Tapos buong katawan niya balot na balot pero 'yung mukha niya parang naagnas na,” kuwento niya.
“Noong kinuwento ko sa mga kasamahan ko na Indonesian, sabi nila, 'yung nakita ko daw na multo na ‘yun ay tawag doon ay Pocong,” dagdag ni Mark.
Ayon kay Mark, ikinuwento ng kaniyang mga kasamahan na mayroon noong naaksidenteng crew na nahulog mula sa itaas hanggang sa ibabang palapag ng bodega habang nagta-tank cleaning.
Dinala ang naaksidenteng crew sa ospital ng barko ngunit hindi na naagapan, at doon na siya namatay. Ibinalot umano ang nasawi sa telang puti.
Hinala ni Mark, ang nasawing crew ang nagparamdam sa kaniya.
“Sabi-sabi nila, baka humihingi daw ng hustisya, baka hindi daw nabigyan or nabayaran ang pamilya,” anang Pinoy seaman.
Bukod sa kuwento ng kababalaghan, ilalarawan sa kuwento ni Mark sa naturang pelikula ang hirap na dinaranas ng mga seaman sa tuwing maglalayag sila sa barko at malayo sa pamilya.
“Maraming kasing naaksidente dahil nga sa delikado din ang trabaho sa barko. Sabi nga nila, kapag sumampa ka ng barko, ‘yung isang paa mo nasa hukay,” paliwanag niya.
Ngayon, nagtuturo na si Mark sa isang maritime school sa Iloilo at iniwan na ang buhay sa barko.
Bibida sa naturang episode ng “Pocong” si Miguel Tanfelix at Kristoffer Martin. Mapanonood ang mga kuwentong kababalaghan sa “KMJS Gabi ng Lagim the Movie” simula Nobyembre 26 sa mga sinehan. – FRJ GMA Integrated News
