Sugatan ang anim na magkakaanak matapos silang tumilapon mula sa sinasakyan nilang bagon sa caterpillar ride sa Jose Panganiban, Camarines Norte.
Sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Lunes, makikita ang ilang kalalakihan na pinapatigil ang ride na mabilis ang arangkada habang tinutulungan naman ng iba ang mga tumilapon na biktima.
Ayon sa San Jose local government, tumilapon ang mga biktima makaraang matanggal ang safety steel handrail sa kanilang kinauupuan.
Isinugod sa ospital ang mga biktima, at sinagot ng may-ari ng peryahan ang gastusin.
Nagkaroon na rin umano ng kasunduan ang mga biktima at may-ari ng peryahan.
Nagpatuloy din ang operasyon ng peryahan matapos itong masuri ng Municipal Engineering Office. –FRJ GMA Integrated News
