Bigo umano ang tangkang pambubudol ng dalawang dayuhan na nagpakilalang mga turista sa isang tindahan sa Kalibo, Aklan. Hindi alam ng dalawa, pinanonood na sila ng may-ari ng tindahan sa CCTV camera.
“Nag-cellphone ako tapos binuksan ko ang CCTV ko. Maya-maya, may dumating na dalawang foreigner,” kuwento ni Quin Recamora, sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed.
Nagpakilala ang dalawang dayuhan na mga turista sila, saka bumili ng karne ng baboy sa tindahan ni Recamora.
Kuwento ni Recamora, bumili ang mga dayuhan ng P120 na halaga ng karne. Pagkaabot ng bayad, humirit ang lalaking dayuhan kung maaaring palitan ang dalawa niyang P500 bills ng buong P1,000.
Kinuha ng tindero ang mga perang papel ng dayuhan at ibinigay ito sa tindera. Ngunit sa halip na maghintay ang dayuhan, sinundan nito ang tindero. Doon na sana niya isasagawa ang modus.
Ang hindi alam ng dayuhan, pinanonood siya ni Recamora sa CCTV.
“Nagduda na ako noon. Zinoom ko na ‘yung CCTV ko, doon ko na-focus sa cashier,” ani Recamora.
Noong una, itinuturo lang ng suspek ang pera, hanggang sa ipasok na niya ang kaniyang kamay sa cash register. Inabutan siya ng P1,000 na papel ng kahera, pero mas gusto raw ng dayuhan ang lumang pera.
Binuksan ng kahera ang isa pang lagayan ng pera upang ipakitang wala silang bill na gusto ng dayuhan.
“Hinahanap pa niya kaya binuksan doon sa ilalim para kuwan lang siguro, baka marami pa sa ilalim na pera,” ani Recamora.
Humarang naman ang babaeng dayuhan sa pinto at nakipagkuwentuhan upang ibaling ang atensiyon ng iba pang bantay sa tindahan.
Makaraan ang ilang minuto, umalis na ang mga dayuhan na walang nakuha.
Ayon kay Recamora, nakuha na niya noon ang kanilang pinagbentahan, kaya nasa P4,000 na lamang ang naiwan sa kaha.
Pagka-post ng video, doon nakumpirma ng may-ari ng tindahan na sila rin ang mga dayuhan na nambiktima umano sa iba pang puwesto sa kanilang lugar.
Paiba-iba ng modus ang mga dayuhan. Sa isa namang tindahan, bundle ng pera umano ang kaniyang pinuntirya.
“‘Mayroon ba kayong P100 bills?’ Tingnan daw nila ang hitsura kasi baguhan sila rito eh. Nagre-remit [‘yung tindahan], mayroon na silang isang bundle na nabilang doon sa lamesa na P100,000. ‘Yun daw, pinuntahan ng foreigner tapos tinitingnan. Inagaw ng nagbibilang ng pera. Pagka-agaw, tapos nakuha naman nila. Tapos maya-maya, umalis daw ‘yung foreigner. Pag-alis, binilang niya ulit. Pagbilang niya, kulang na ng P12,000,” kuwento ni Recamora.
Posibleng lumilipat lang ng lugar ang mga dayuhan upang maghanap ng ibang bibiktimahin.
Ipinost ni Recamora ang video para magsilbing babala sa iba pang negosyante. – FRJ GMA Integrated News
