Putok ng baril ang iginanti ng isang lalaki sa grupo ng Grade 12 students na nagbiro umanong pindutin ang doorbell ng kaniyang bahay sa Lipa City, Batangas nitong Lunes ng umaga. Ang lalaki, inaresto.
Ayon sa Batangas Police Provincial Office, nangyari ang insidente dakong 2:30 a.m. nang ihatid ng grupo ng kabataan sa lugar ang isa nilang kaklase sakay ng kotse.
“While waiting, one of the victims pressed the doorbell of the suspect’s residence, which may have triggered the suspect’s anger. Fearing for their safety, the driver immediately sped away from the scene,” saad ng pulisya sa pahayag.
Ayon sa awtoridad, lumabas ng bahay ang suspek na may hawak nab aril at pinaputukan ang likod ng sasakyan.
Nagsumbong naman ang mga estudyante sa kani-kanilang magulang na nag-report naman sa Lipa Component City Police Station.
Inaresto ng mga pulis ang suspek sa follow-up operation at nakuha sa kaniya ang isang an Optimus Custom caliber .45 pistol na may isang standard magazine na dalawang bala.
Nakadetine ang suspek sa Lipa CCPS na mahaharap sa mga reklamong attempted murder at paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.—FRJ GMA Integrated News

