Naging maaksiyon ang ginawang paghabol ng dalawang rider sa isang e-trike na nakabangga ng isa pang motorsiklo na may dalawang sakay pero tinakbuhan niya sa Pasay City.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, ipinakita ang video footage na kuha mula sa isang rider nang biglang lumipat ng linya ang e-trike kaya nasagi nito ang isang motorsiklo at natumba.

Bumagsak sa kalsada ang dalawang sakay ng motorsiklo pero hindi tumigil ang driver ng e-trike at tumakas.

Kaya naman dalawang iba pang rider ang humabol sa e-trike na kung saan-saan lumusot, at may pagkakataon pang nag-counterflow.

Natuklasan din na mayroong pasahero ang e-trike, hanggang sa makorner nila ang driver ng e-trike kaya tumigil.

Ayon sa ulat, nangyari ang insidente noong Pebrero 7, at naaresto ng mga awtoridad ang driver ng e-trike na walang pahayag sa insidente.

Mahaharap siya sa patong-patong na reklamo. Gayunman, sinabi ng pulisya na nagkaayos din ang driver ng e-trike at ang mga nabangga niyang sakay ng motorsiklo na nagtamo ng mga galos dahil sa insidente.

Dahil walang prangkisa ang e-trike, inimpound ito ng mga awtoridad. –FRJ GMA Integrated News