Naibenta sa halagang P21 milyon ang unang edisyon ng El Filibusterismo ni Jose Rizal sa Asian Cultural Council Auction 2026 noong Sabado, Pebrero 14. Ito na ang pinakamahal na libro na naibenta sa bansa.
Sa Facebook post, inihayag ng historian na si Ambeth Ocampo, naibenta ang pambihirang obra ni Rizal sa Leon Gallery sa halagang ₱21 milyon, bukod pa ang premium at VAT.
Ayon sa gallery, ito na ang pinakamahal na librong naibenta sa bansa.
May lagda at sulat mismo ni Rizal ang naturang libro.
Isinulat niya rito na: “A mi querido amigo el doctor T. H. Pardo de Tavera, Jose Rizal, Gante, 16/ IX 1891.”
Ang ibig sabihin, "To my dear friend, the doctor T. H. Pardo de Tavera, Jose Rizal, Ghent, 16 September 1891)."
Ayon sa website ng Leon Gallery, ang kopya ng El Filibusterismo ay nagmula sa koleksyon ni Trinidad Pardo de Tavera. Nakatatak ang kaniyang pangalan sa pahina ng pamagat at nakasaad sa loob ng harapang pabalat na nagmula ito sa kaniyang aklatan.
Dalawang linggo itong naka-display sa gallery bago ang subasta.
Ayon kay Leon Gallery Director Jaime De Leon sa isang online interview ng GMA News Online, ang dahilan kung bakit bihira ang naturang edisyong ay dahil kakaunti lamang ang naimprentang kopya ng El Filibusterismo, na tinatayang mas mababa sa isang libo.
"Rizal was very hard up, paying by installment. He was living on tea and biscuits to save money. Then the copies that did make it were being confiscated and burned by the friars and the Spanish regime," aniya.
"What makes it even rarer is that it has Rizal's signature and dedication to best friend, Trinidad Pardo de Tavera. The Pardo de Tavera provenance makes it also important—impeccably so" dagdag ni de Leon. —Nika Roque/FRJ GMA Integrated News

