QUEZON - Nagpositibo sa COVID-19 si Sariaya, Quezon Mayor Marcelo P. Gayeta at ang maybahay nito na si Marivic.

Nitong Oktubre 10 nang sumailalim ang buong pamilya at staff ni Mayor Gayeta sa swab test.

Tanging ang mag-asawa lamang ang nagpositibo sa COVID-19 base sa resulta na inilabas nitong Lunes ng umaga.

ADVERTISEMENT

Ayon kay Mayor Gayeta, minarapat niyang isapubliko ang kanilang kondisyon upang magsilbing paalaala sa kanyang mga kababayan na mag-doble ingat ngayong panahon ng pandemya.

Wala raw pinipili ang virus. Kahit daw anong pag-iingat ang kanilang ginagawa ay nalusutan pa rin sila ng virus.

Nagpapasalamat si Gayeta dahil hindi nahawa ang kanyang mga anak, apo at iba pang kasama sa bahay.

Walang sintomas na nararamdaman ang mag-asawang Gayeta. Patuloy daw ang kanilang gagawing pagpapalakas ng resistensiya. Naka-quarantine ang mag-asawa sa kanilang tahanan sa Sariaya.

Panawagan ni Mayor Gayeta sa kanyang mga kababayan, iwasan na rin muna ang maliliit na pagtitipon tulad ng birthday party.

Si Gayeta ay araw-araw umiikot sa bayan ng Sariaya. Hindi pa matukoy kung paano siya nahawa. —KG, GMA News