Hawak na ng pulisya ang iba pang video sa mga huling sandali na nakitang buhay si Christine Dacera habang nasa isang hotel sa Makati kasama ang ilang kalalakihan para magdiwang ng bagong taon.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, kabilang sa CCTV clip na kuha dakong 2:52 a.m. ng January 1 na makikita si Christine at isang lalaki na naglalakad sa corridor ng hotel.

Sa video, nagkitang naghalikan ang dalawa.

Sa isa pang footage sa araw ding iyon dakong 4:13 a.m., isang lalaki naman ang nakitang buhat si Christine sa hallway.

ADVERTISEMENT

Mayroon ding video na makikita si Christine na gumagamit ng cellphone sa loob ng kuwarto kasama ang ilang tao.

Sa isa pang video, nasa loob naman ng bathroom si Christine na may dalawang lalaki.

“Doon sa video, puwede nating makita doon kung sino ‘yung mga taong kasama before she died,” ayon kay NCRPO chief Police Brigadier General Vicente Danao Jr.

“They could be invited sa ating opisina to shed light on what really happened on that day. Since may mga video naman na ganyan, we will identify kung sino ‘yung mga nandyan at we will invite them,” sabi pa ng opisyal.

Sinusuri na umano ng pulisya ang kabuuan ng CCTV footage na nakuha sa City Grand Garden Hotel.

Matatandaan na tanghali noong Enero 1 nang makita sa bathtub ang bangkay ni Christine.

Dinala naman sa Camp Crame ang mga labi ni Christine para iburol bago ilipad sa kaniyang bayan sa General Santos City.

Una rito, iniutos ng Makati City Prosecutor’s Office na palayain ang tatlong "suspek" na nasa kostudiya ng pulis habang isinasagawa ang preliminary investigation sa kaso ni Christine sa Enero 13. --FRJ, GMA News