Dahil sa pandemic, marami ang nag-o-online selling ngayon na "live" ang ginagawang paglalako ng produkto. Mahirap man ang kompetisyon, tila nakalalamang sa kanila ang 18-anyos na Steff na umaabot daw sa milyon ang views.

Sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing mga sapatos, relo at iba pa ang ibinebenta ni Steff na produkto.

Pero tila hindi maiwasan ng ilang kababaihan na magselos sa kanilang mga partner na nanonood ng live selling ni Steff dahil sa taglay nitong kaseksihan at malaking dibdib.

Paliwanag ni Steff,  nasanay na siya at ganoon lang daw talaga siya manamit kasabay ng pag-embrace niya sa kaniyang sarili.

ADVERTISEMENT

Aminado rin ang dalaga na marami ang nagma-"mine" sa kaniyang mga itinitindang produkto at marami rin ang pahaging na nambabastos.

Ang ina ni Steff na si Rosa, hindi maiwasan na mabahala at masaktan sa ibang komento tungkol sa kaniyang anak.

"Siguro raw sarado na yung club kaya ginagawa ng anak  ko 'yon," saad niya.

Hindi nga napigilan ni Rosa na maiyak dahil sa mga puna sa kaniyang anak gayung hindi naman nila kilala si Steff.

May mga nang-iintriga rin kay Steff na fake ang kaniyang dibdib, bagay na itinanggi ng dalaga. Wala rin daw siyang ipinaayos sa duktor tulad ng ilong.

Pero kung akala ng iba na masuwerte ang mga nabiyayaan ng malaking dibdib, pero ang totoo raw, kalbaryo ito sa iba lalo na sa mga nagdadalaga, tulad ng naranasan noon ni Steff.

Tunghayan sa video na ito ng "KMJS" ang buong kuwento tungkol sa viral online seller na si Steff at alamin ang hirap na pinagdadanan niya. Puwede rin bang kasuhan ang mga nagbabastos sa online? Alamin. --FRJ, GMA News