Para hindi malunod sa kaniyang pagtawid sa dagat, nagtali ng mga plastic bottle sa kaniyang katawan ang isang binatilyong migrante mula Africa para makapasok sa Ceuta sa Espanya.

Sa video ng GMA News Feed, makikita na umiiyak at tila pagod na pagod na ang binatilyo.

ADVERTISEMENT

Nang makarating sa dalampasigan, tumakbo ang migrante at tinangka nitong umakyat sa isang pader, pero napigilan siya ng mga awtoridad.

Nasa 8,000 na mga migrante mula sa ilang lugar sa Sub-Saharan Africa ang tumawid sa dagat mula Morocco para makarating sa Espanya.

Sa naturang bilang, 1,500 sa kanila ang mga menor de edad.

Tinulungan ng Red Cross ang mga batang migrante kung saan bukod sa pagkain at inumin, isinailalim din ang mga ito sa COVID-19 test, bago sila ipapa-deport.

Nagsimulang dumagsa ang mga migrante sa Espanya noong Mayo 17 matapos lumuwag ang border control ng Morocco.--FRJ, GMA News