Para mas mahikayat pa ang publiko na magpabakuna, nilagyan ng lokal na pamahalaan ng Mandaluyong City ng sticker ang mga bahay at establisimyento na may mga bakunado na laban sa COVID-19.

Sa ulat ni Mark Makalalad ng Super Radyo DZBB sa GTV "Balitanghali" nitong Martes, sinabi ni Jimmy Isidro, hepe ng Public Information Office ng Mandaluyong, sinimulan na nila ang paglalagay ng sticker sa mga establisimyento na bakunado na ang mga empleyado, at mga tahanan na bakunado na ang mga kwalipikadong miyembro ng pamilya.

Mababasa sa sticker ang mga katagang, "Relax, we're vaxed."

ADVERTISEMENT

Para malagyan ng sticker, kinakailangang mabakunahan na kahit unang dose pa lang ang mga nakatira sa bahay o empleyado ng establisimyento.
.
Nilinaw naman ni Isidro na walang diskriminasyon sa kanilang kampanya, dahil walang ibinibigay na gantimpala sa mga binakunahan na meron nang sticker.

Mag-iikot ang Mandaluyong LGU sa mga establisimyento at mga bahay katuwang ang mga kawani ng barangay para magkabit ng mga sticker.

Umaasa silang magiging epektibo ang kampanya at dadami pa lalo ang magpaparehistro sa kanilang MandaVax para magpabakuna.

Halos 200,000 na ang mga nabakunahan ng unang dose sa Mandaluyong habang halos 6,000 ang nakakumpleto ng second dose, base sa huling datos.

Dinamihan na rin ng Mandaluyong LGU ang vaccination sites at nagsasagawa ng "bakuna-night" para mapabilis ang proseso at maagang makamit ang people protection.

Nagpaalala rin ang mga awtoridad sa mga bakunado na dapat sumunod pa rin sa health protocols kahit kumpleto na sa ikalawang dose ng bakuna.--Jamil Santos/FRJ, GMA News