Agaw-pansin at kinaaaliwan ng mga tao, hindi lang ng kaniyang costumer ang isang delivery rider sa Palo, Leyte na naka-costume na Spiderman.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang delivery rider na si Ruel Militante, 42-anyos.

ADVERTISEMENT

Kuwento niya, nagsimula siyang magsuot ng Spiderman costume nang magkaroon ng pandemic at may costumer na nagpahatid sa kaniya ng cake at kakantahan ang amang may birthday.

Para may dagdag na atraksiyon sa kaniyang gagawin, nagbihis siya ng Spiderman costume. Nang mag-click ang kaniyang pakulo, itinuloy-tuloy na niya ito.

Hindi lang daw ang mga costumer ang natutuwa sa kaniyang ginawa, dahil maging ang mga tao na kaniyang nadadaanan ay naaliw rin sa kaniya.

Sinabi pa ni Militante na kahit hindi niya hinihingi, kusa raw dinadagdagan ng mga costumer ang ibinibigay sa kaniya.

Ang ibang delivery rider sa kanilang lugar, nahikayat na rin daw na magsuot ng costume.--FRJ, GMA News