Patay ang isang siklista sa pamamaril sa Cavite noong nakaraang araw ng Linggo, October 3.

Ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, sa simula'y inakalang nasagasaan ang biktima, pero lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis na binaril pala ang siklista.

Natagpuan ang bangkay ng biktima noong October 3,  dakong alas nuwebe ng gabi.

ADVERTISEMENT

Kinilala sa ulat ni Corrine Catibayan ang biktima na si Kenneth Ponce.

Duguang nakahandusay sa daan si Ponce sa Abaya Road, Barangay Tabon, Kawit, Cavite, ayon sa ulat.

Agad siyang dinala sa ospital pero ideneklarang dead on arrival.

Batay sa medico-legal investigation, lumalabas na may tama ng bala ang biktima sa kanyang likod na dumeretso sa kanyang puso at naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Tinitinganan ng mga pulis ang anggulong pagnanakaw ang nasa likod ng pamamaril dahil hanggang sa ngayon hindi pa nakikita ang bisikleta ng biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente. —LBG, GMA News