Patay na at may mga taga sa katawan nang makita ng mga kapitbahay ang magka-live in na caretaker sa Talakag, Bukidnon.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV News nitong Martes, kinilala ang mga biktima na sina Dennis Morata  at Josephine Ramos.

ADVERTISEMENT

Ayon sa pulisya, nakita ang mga biktima sa kanilang bahay. Pero bago maganap ang karumal-dumal na krimen, mayroon umanong tatlong tao na bumisita sa mga biktima na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan.

Nakita pa umano sa bahay ang tatlong baso na ginamit sa pag-inom ng kape.

Nananawagan ang mga kaanak na mabigyan ng hustisya ang sinapit ng mga biktima at madakip ang mga salarin.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para alamin ang motibo sa krimen at makilala ang mga salarin.--FRJ, GMA News