Dalawa lalaki—na ang isa ay nagpakilalang anak daw ni dating Senador Ramon Revilla Sr. — ang nadakip sa Ninoy Aquino International Airport dahil sa pagpupuslit umano ng regulated drugs na umaabot ang halaga sa P24 milyon.

Ulat ng radio dzBB nitong Lunes, sinabing nadakip ng mga tauhan ng Customs sa NAIA nitong Linggo ng hapon sina Ruben Bautista ng Cavite at Glen Morgadi ng Pampanga.

Nakuha umano sa dalawa ang mahigit 100 piraso ng Cytotec (Misoprostol), isang regulated drugs na panggamot sa ulcer.

Ayon sa ulat, dumating sa NAIA sina Bautista at Morgadi noong Linggo dakong 5 p.m. sakay ng Singapore Airlines SQ 918.

Sinabi ng mga tauhan ng Custom na nagpakilala raw si Bautista na anak ni dating senador Ramon Revilla Sr., at kapatid ni dating senator  Bong  Revilla Jr.

Inihahanda na umano ang kasong isasampa laban sa dalawa.— FRJ, GMA News