Naging extra special ang mga kaarawan nina Andrea Torres, Joyce Pring at Shaira Diaz matapos silang surpresahin ng kani-kanilang mga boyfriend sa gitna ng enhanced community quarantine.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras," sinabing ipinagdiwang ni Andrea ang kaniyang kaarawan nitong Mayo 4 sa isang simpleng selebrasyon kasama ang pamilya.

Ayon kay Andrea, hindi ito ang na-imagine niya na birthday, dahil sa enhanced community quarantine, hindi niya nakasama ang boyfriend na si Derek Ramsay at iba pang mahal sa buhay.

Gayunman, ipinaramdam pa rin ni Derek ang pagmamahal niya kay Andrea kahit magkalayo, nang surpresahin niya ito ng compilation ng birthday greetings mula sa mga kaanak at malalapit nilang kaibigan.

"I wish I could be there with you and give you a hug and a kiss," mensahe ni Derek kay Andrea.

"Grabe 'yung iyak ko, ugly crying, as in buhos talaga. Siguro kasi bukod sa na-touch ako doon sa message, 'yung makita ko lang 'yung mommy niya, daddy niya, pamangkin niya tapos andoon pa 'yung friends namin, nakaka-senti," sabi ni Andrea.

ADVERTISEMENT

Tsaka hindi ko rin in-expect talaga 'yon from him," ayon pa sa kaniya.

Bukod dito, nagpadala pa si Derek kay Andrea ng jelly cake with flowers.

Hindi rin daw inasahan ni Andrea na marami ang magpapadala sa kaniya ng mga regalong pagkain, lalo ang fans.

"It's really the little things 'di ba? Sa panahon ngayon, bawat maliit na bagay maa-appreciate mo talaga," ani Andrea.

Si Joyce Pring naman, ipinagdiwang ang kaarawan nitong Mayo 4 sa programang Unang Hirit.

Sinorpresa din siya ng mister na si Juancho Trivino ng emoji with masked cake.

Tinawag din ni Juancho na "my Everything" si Joyce sa kaniyang sweet message sa Instagram.

Naging sobrang iba naman kay Shaira Diaz ang pinlano niyang ika-25th birthday noong Mayo 3.

Nagplano na si Shaira Marso pa lang, pero sa bahay na lang siya nagdiwang dahil sa enhanced community quarantine.

Party sana sa isang bar ang gusto niya, pero ginawa niya na lang itong stay-at-home kiddie party theme kasama ang pamilya.

Sariling sikap din si Shaira pagdating sa kaniyang dekorasyon.

"Lahat may pa-party hat para masaya, makulay. Sabi ko 'Pag hindi kayo nag-suot ng party hat, hindi kayo kakain,'" sabi ni Shaira.

Mas nakumpleto pa ang ECQ birthday ni Shaira nang puntahan siya ng boyfriend na si EA Guzman.

Gaya ni Captain Ri sa "Crash Landing On You," tinawid ni EA ang checkpoint mula Pasig hanggang Las Pinas para dalhin ang mga regalo kay Shaira.

"Sinurprise niya ako kasi medyo naghigpit 'yung Las Piñas pero nakiusap na lang siya. Pero at the same time kasi namigay siya sa mga frontliners," kuwento ni Shaira. —Jamil Santos/LBG, GMA News