Simple man, wala namang katumbas ang inihanda ng ilang Kapuso celebrity kids at moms para sa Mother's Day ngayong Linggo.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing tuwang-tuwa si mommy Marian Rivera nang gumayak ang kaniyang panganay na si Zia bilang si Darna, na kaniyang dating role.

Inilahad ni Marian na ang pagiging ina kina Zia at Ziggy ang pinakamasarap at fulfilling role na ginagampanan niya ngayon.

Para naman kay Sheila Granfon, everyday ang Mother's Day kasama sina Baeby Baste at Samsam na mga napakamalambing at napakamasunurin.

"Ako na lang magpapaligo kay Sam para relax lang si mama, 'di ba? Tapos 'pag gabi sabihan ko si Sam na 'Sam massage natin si mama para maka-relax," kuwento ni Baby Baste.

Buddy-buddy naman sina Yasmien Kurdi at anak niyang si Ayesha Soldevilla mapa-singing, acting o vlogging man.

Pero ang pinakapaborito nilang bonding, ang pagluluto. Nag-share pa sila ng ginawa nilang favorite dessert online.

Meron namang love letter si Bianca Umali para sa mga yumao na niyang magulang.

Natutunan aniya ni Bianca ang pagiging mabait sa kapwa, pag-appreciate sa mga simpleng bagay at pagsasabi ng "I love you" sa mga minamahal.

Two-in-one celebration naman para kay GMA News reporter at soon-to-be-mom na si Athena Imperial matapos ang gender reveal party na inihanda ng kaniyang mga kaibigan.

Naging highlight ng pagdiriwang ang cutting of the cake na nagkumpirmang tama ang hula ng marami na babae ang ipinagdadalantao ni Athena. — Jamil Santos/DVM, GMA News

ADVERTISEMENT