Bilang isang first-time mom, hindi matiis ni Max Collins na mawalay sa kaniya ang kaniyang baby na si Skye Anakin, kaya miss na niya agad ito nang dalawang araw silang mahiwalay dahil kailangan niyang mag-taping.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing kabilang sa cast si Max para sa Christmas presentation ng "Tadhana."

Hindi naiwasan ni Max na makaramdam ng kaba matapos na isang taon siyang hindi humarap sa camera dahil sa pandemya.

Ito rin ang first time ni Max na hindi makasama si Skye, kaya lagi niya itong iniisip sa kabila ng pagiging abala niya sa set.

ADVERTISEMENT

"Na-miss ko siya. Habang naka-break ako tinitingnan ko 'yung pictures niya. Iba talaga when you're a mom, hindi mawawala 'yun. You'll always miss your baby kapag hindi kayo magkasama," sabi ni Max.

Limang buwan na ngayon si Skye.

"Makulit at parang nagsasalita na siya in a way. He makes sounds na, he can say 'Hi!' In a few months makakapagsalita talaga siya. So we're excited for that," kuwento pa ng Kapuso actress.

"Mas malikot na siya, he likes to play around and tawa siya nang tawa, mabungisngis siyang baby. Ang saya lang kasi nakikita namin 'yung different stages niya," ani Max.

At dahil marami ang nakakapansin sa kaguwapuhan ni Baby Skye, hindi rin daw malayo na magiging artista rin ito paglaki.

"Hearthrob, magiging hearthrob," biro ni Max. "I don't know, I guess tingnan po natin. Kasi since we're both artistas, malamang du'n din 'yung magiging path niya. But we'll support him naman in anything that he chooses to do," sabi ni Max.

Sa unang Christmas ni Baby Skye, naaaliw na ito sa Christmas decors tulad ng Christmas tree.

Plano nina Max at Pancho na bihisan si Skye ng elf outfit para sa Pasko. – Jamil Santos/RC, GMA News