Single at available ang Korean na may pusong Filipino na si Dasuri Choi. Anu-ano nga ba ang mga katangiang hanap ni Dasuri sa isang Pinoy boyfriend?

Sa programang "Tunay Na Buhay," sinabing isinilang sa South Korea si Dasuri o Choi Da-seul noong Abril 25, 1988. Bata pa lang ay mahilig na siyang magsayaw, na namana niya sa kaniyang ina na isang dance instructor.

Sumubok siya ng gymnastics at jazz, at sumali sa iba't ibang paligsahan sa mga barangay sa Korea. Gayunman, istrikto ang kaniyang mga magulang at kailangang mataas ang kaniyang grado para payagan siya sa kaniyang pagsasayaw.

ADVERTISEMENT

"Nakita nila siguro noong highschool pa lang, kahit sobrang ayaw nila, pinush ko talaga, 'yung grade ko talagang high [mataas] dapat para matutuwa sila tapos, 'Sige go ka na, practice ka na.' Na-appreciate nila 'yung effort ko," kuwento ni Dasuri nang magkolehiyo siya.

Hanggang sa matupad ni Dasuri ang pangarap na maging isang professional dancer, at naging choreographer at back-up dancer ng ilang K-pop groups tulad ng Yama and Hotchicks at Wonder Girls.

Pansamantalang itinigil ni Dasuri ang pagsasayaw nang makaranas siya ng muscle spasm at slipped disk, pero agad din siyang bumalik.

"Para sa akin po kasi hindi mawawala talaga 'yung dance ko sa buhay. Hindi ko mai-imagine na hindi ako makakasayaw," ani Dasuri.

Nang tanungin kung ano ang katangian na gusto ni Dasuri sa lalaking Pinoy, tugon niya; "Positivity, tapos yung mata, gusto ko malaki mata po. Tsaka ko gusto ko po medyo tan yung skin."

Inihayag naman ni Dasuri ang Kapuso comedian na gusto niyang maka-love team. Panoorin ang buong panayam sa video na ito.--FRJ, GMA News