Humihingi muna ng kaunting panahon si Kylie Padilla para makapagpahinga at mapagtuunan ang kaniyang sarili sa gitna ng mga usapin na "on the rocks" ang relasyon nila ng mister na si Aljur Abrenica.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing nakausap ng GMA News ang ilang tao na malapit sa aktres.

Sinabi ng isang source ng GMA News na nagpunta si Kylie at ang kaniyang mga anak sa bahay ng amang si Robin Padilla, pati sa Pampanga sa kapatid ng kaniyang ina nitong mga nakaraang araw para magbakasyon.

Ayon naman sa isa pang source, patuloy si Kylie sa pagtupad ng kaniyang endorsement commitments pero pansamantala munang hindi tatanggap ang Kapuso actress ng guestings at lock-in taping.

Humingi raw ng kaunting panahon ang aktres para makapagpahinga at mapagtuunan ang sarili kapag natapos na niya ang mga commitment sa trabaho.

ADVERTISEMENT

Hindi raw itinanggi ng aktres na isang hamon para sa kaniya ang maging hands on mom sa dalawang anak.

May isang post si Kylie ng larawan ng kaniyang mag-aama na may caption na, "This," at may kasamang prayer emoji.

 

 

Kasalukuyan pa ring kinukuha ng GMA News ang pahayag ni Kylie.

Naging palaisipan ang tunay na estado ng relasyon nina Kylie at Aljur dahil sa ilang post ni Kylie na nagpahiwatig ng kanilang "on the rocks" na relasyon.

Sa isang post ni Kylie, mababasa ang "I'm submissive, not stupid." Sinundan ito ng "More selflove, babygirl."

Sa isa pang larawan, makikitang hindi suot ni Kylie ang kaniyang wedding ring sa kaniyang kaliwang kamay, at sa isa naman, meron siyang solo pic na may caption na "Free."

Tinanggal din ni Kylie ang post kalaunan.--Jamil Santos/FRJ, GMA News