Hindi napigilan ni Miguel Tanfelix na mamangha nang makita ang set ng Camp Big Falcon na gagamitin sa inaabangang "Voltes V: Legacy."

"Sobrang ganda, as in," sabi ni Miguel sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules.

ADVERTISEMENT

"Hindi ko inakala na ganun nila effort-an 'yung studio na 'yun," patuloy ni Miguel na gaganap bilang lider ng Voltes V team na si Steve Armstrong.

"Meron kaming mga gamit dun na ngayon ko lang nakita sa set ng isang taping. Ngayon lang 'yun gagamitin. Sobrang na-amaze ako nung nakita ko 'yun kaya pag makita n'yo 'yun sa TV for sure ganun din yung reaction n'yo," patuloy niya.

Nauna nang sinabi ni Direk Mark Reyes na katumbas ng apat na  basketball court ang lawak ng Camp Big Falcon.

Kasama ni Miguel sa series sina Ysabel Ortega bilang si Jamie Robinson; Radson Flores na gaganap na si Mark Gordon; Matt Lozano bilang si Big Bert; at si Raphael Landicho na napili bilang si Little Jon.

Tuloy-tuloy din ang ensayo ni Miguel para sa pagbaril at pagmomotorsiklo na kabilang sa mga kayang gawin ni Steve.--FRJ, GMA News