Pinag-aralan ng American singing group na TORCH Family Music sa wikang Filipino ang hit song ng SB19 na "MAPA" para gawin nilang cover song.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing ang TORCH Family Music ay isang Christian singing group na binubuo ng mag-asawang Craig at Stephanie Whiting, at ng anim nilang anak.

ADVERTISEMENT

Gumawa ng music video ang grupo na akmang-akma sa kanilang pamilya ang tema ng awitin na alay sa mga magulang.

Nais daw ng TORCH Family Music na papurihan ang Panginoon at maghatid ng godg vibes sa pamamagitan ng kanilang musika.

Kaya naisipan nilang gumawa ng bersiyon ng "MAPA," at kantahin ito sa wikang Filipino na kanilang pinag-aralang mabuti.

Napag-alaman naman na dati pa lang nanirahan sa Visayas si Craig bilang isang missionary at kasama niyang iniuwi sa Amerika ang pagmamahal sa mga Filipino.

Nagpapasalamat ang grupo sa SB19 sa maganda nilang awitin.--FRJ, GMA News