Napanood si Maja Salvador sa "Eat Bulaga" nitong Sabado at inanunsyo niyang magiging Dabarkads na siya.

Sa "DC 2021," ipinakita ng "Queen of the Dance Floor" ang kaniyang malulupit na pag-indak at paghataw sa kaniyang production number sa Eat Bulaga stage.

"Sa mga hindi nakaka-alam, laking Aparri talaga ako. Noong ipinanganak ako, after ilang buwan, inuwi ako sa Aparri ng nanay ko. Tapos doon namulat ang aking mga mata sa Eat Bulaga," kuwento ni Maja.

ADVERTISEMENT

Naging fan daw si Maja ng 90s dance group na Streetboys.

"Ang sarap sa pakiramdam kapag 'yung umpisang kanta ng Eat Bulaga, 'mula Aparri ...' Siyempre proud na taga-Aparri," anang aktres.

Ikinuwento rin ni Maja na gusto siyang isali ng kaniyang ina noon sa Little Miss Philippines.

"Eh siyempre walang budget kaya nag-Miss Abulug na lang ako," biro ni Maja.

Kasabay ng paglabas ni Maja sa Eat Bulaga ang kaarawan ng kaniyang ina. Ayon kay Maja, ang pagiging Dabarkads ang regalo niya rito.

"Ito na 'yung regalo ko sa'yo ha. Sabi niya kasi, 'nami-miss na kita makitang sumayaw.' Ang tagal na rin kasi kuya (Ryan) so sabi ko, 'ma, kinukuha ako ng Eat Bulaga. 'Di ba nanonood lang tayo? Tapos ngayon magiging parte na ako ng Dabarkads," sabi ni Maja. – Jamil Santos/RC, GMA News