Inilahad ni Mikoy Morales ang kaniyang pasasalamat kay Michael V., na nagsilbi niyang mentor sa kaniyang pagiging komedyante sa Bubble Gang.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing iba't ibang genre ang nasusubukan ni Mikoy bukod pa sa madalas niyang pagpapatawa sa Bubble Gang.

"Unang una 'yung thought na nakakasama ako sa show na kinalakihan ko at 'yung pamilya ko na pinanonood ko 'yon. Doon pa lang ang tagal nang nag-sink in sa akin 'yon, ang tagal kong natanggap 'yon. But more than that, craft-wise, of course, Michael V., ano'ng hindi mo matututunan sa kaniya? Siya ang nag-push sa akin," sabi ni Mikoy.

ADVERTISEMENT

Dati nang sinabi ni Mikoy na si Michael ang "icon" ng kaniyang buhay.

Samantala, hindi inasahan ni Mikoy na mapapasabak siya sa matinding action scenes para sa upcoming action series na "Lolong."

"'Yung puno ng niyog na 'yon, inakyat niya. May fire house naman noon, it was safe, pero inaakyat niya ng kamay at ng paa, as in iniipit niya lang ng ganoon," kuwento ni Mikoy.

"Pinanonood ko lang siya, 'Buti wala akong ganyang eksena.' Tapos meron pala!" natatawang sabi ng Bubble Gang comedian.

Labis din ang pasasalamat ni Mikoy sa renewal ng kaniyang kontrata sa GMA Artist Center. —Jamil Santos/LBG, GMA News