Pinakikilig nina Rayver Cruz at Julie Anne San Jose ang netizens sa tuwing nagpo-post sila ng kanilang dance videos sa Tiktok. Ngunit ano na nga ba ang real score sa kanilang dalawa?

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Linggo, sinabing maging sina Rayver at Julie ay kinikilig din habang kinukunan ang kanilang mga Tiktok video.

"Ano man 'yung sweetness na nakikita nila, lumalabas, dahil 'yun sa pagka-comfortable namin sa bawat isa. 'Yung bond na meron kami parang, ewan ko, iba eh," sabi ni Rayver.

ADVERTISEMENT

"What you see is what you get, so kung ano man 'yung makita nila 'yun naman 'yun eh. We'll see," sabi pa ni Rayver.

Kasama si Rayver sa third leg ng concert trilogy ni Julie Anne na "Limitless," kung saan inihayag niya ang paghanga sa Asia's Limitless Star.

"I'm really proud kasi hindi biro 'yung gumawa ka ng tatlong parte na isang concert and only she can do those kinds of things and limitless siya sa talaga. So madali lang for her 'yung mga ganu'n. Nakaka-proud," anang Kapuso actor.

Dagdag pa ni Rayver, matindi ang kaniyang paghanga kay Julie dahil bihira lang daw siyang makatagpo ng kalibre ng dalaga.

"Nakakatuwa lang kasi ang tagal naming hindi nakapag-Tiktok ni Juls. So nakapagsayaw ulit ako ng Tiktok naming dalawa. Parang ang tagal ng huli naming Tiktok eh, ang daming natuwa and ang daming kinilig. Nakakatuwa nga 'yung fans eh kasi very supportive sila," ani Rayver. — Jamil Santos/VBL, GMA News