Handa na muling sumabak si Ruru Madrid sa kaniyang workout routine matapos magtamo ng minor fracture sa kanang paa habang ginagawa ang stunt sa upcoming Kapuso adventure-action series na "Lolong."

"The comeback is always stronger than the setback," caption ni Ruru sa kaniyang IG.

 

ADVERTISEMENT

 

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras," makikita sa IG ni Ruru ang pag-flex ng kaniyang dream bod at ang kaniyang pagbabalik-workout.

Bago nito, inilahad ni Ruru na na-out balance siya sa ginawa niyang stunt kaya nagka-fracture ang kanan niyang paa.

“Medyo nag-alangan ako kasi parang gusto ko pang i-perfect 'yung scene. Medyo nakulangan sa taas ng talon ko so sabi ko, ‘In this take, tataasan ko na siya,’” saad ng aktor.

“Habang ginagawa ko siya, nagulat ako do’n sa sarili ko na gano’n kataas 'yung take off ko kaya pagbagsak ko, unexpected nabigla kong na-twist 'yung right foot ko,” patuloy niya. “'Di ko kayang tumayo dahil sa sobrang sakit.”

Kaagad na inalalayan ng medical staff na nasa set ang aktor at kinalaunan ay dinala sa pinakamalapit na ospital mula sa kanilang lock-in taping location.

Sa X-ray, doon na nakita ang minor fracture sa paa ni Ruru at pinayuhan siya na magpahinga muna ng dalawa hanggang anim na linggo. —Jamil Santos/KG, GMA News