Masayang ibinalita ni Miss International 2013 Bea Santiago na naging matagumpay ang kaniyang kidney transplant.

Sa kaniyang Instagram post, pinasalamatan niya ang kaniyang kapatid na itinuturing niyang "hero" dahil sa pag-donate ng isa nitong kidney.

"NEW KIDNEY WHO THIS?" panimula ni Bea sa post ng pasasalamat sa kaniyang nakababatang kapatid.

"Thank you to my baby brother's love and bean, I am changed. Thank you, world, for showing me kindness and patience and of course to my family, friends, and strangers for your support, countless prayers, and positive energy," ayon sa beauty queen.

ADVERTISEMENT

 

 

Inihayag ni Bea ang pasasalamat sa kaniyang pakiramdam na "brand new, loved, and renewed" matapos ang ikatlong pagkakataon at pagsailalim sa dialysis sa nagdaang tatlong taon.

Naglagay din si Bea ng mga hashtag na, #donate #beahero #savelives #MYBROTHERMYHERO

Sa Instagram Stories, pinasalamatan din ni Bea ang mga Pinay nurse at staff sa Toronto General Hospital sa Canada na umalalay sa kanilang magkapatid sa isinagawang operasyon.

Muli rin niyang pinasalamatan ang kaniyang kapatid na nagligtas sa kaniyang buhay.

Taong 2018 nang malaman na mayroong chronic kidney disease si Bea, at kailangang sumailalim sa kidney transplant.

Noong 2020, inihayag ni Bea na limang beses sa isang linggo siya kung sumailalim sa dialysis.— FRJ, GMA News