Inilahad na ni Mikee Quintos na isang taon na silang magkarelasyon ni Paul Salas, na kanilang ipinagdiwang sa kanilang recent trip sa Boracay.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, mapapanood ang ilan sa snaps ng kanilang bakasyon.

Sa Boracay din sinorpresa ni Paul si Mikee, kasama ang isang proposal para maging date ng binata sa GMA Thanksgiing Gala sa Hulyo 30.

Kamuntikan pang magulo ang outdoor proposal ni Paul dahil bumuhos ang ulan.

ADVERTISEMENT

Pero tiyempo namang naging maaliwalas ang kalangitan at lumabas ang buwan sa date nila ni Mikee.

"Puwede ba kitang maging GMA Gala date?" tanong ni Paul sa dalaga, na sinagot naman ni Mikee ng isang matamis na "Yes!"

Gayunman, muntik pang mabuking ni Mikee ang surprise para sa kaniya ni Paul.

"Huli ka boy! Sabi ko 'Saan ka pupunta?' Sabi niya banyo daw, eh doon 'yon papunta sa other side. Sabi ko 'Ito 'yung banyo oh.' Wala siyang masagot. Medyo doon nahalata ko siya na may pasabog pa. Biglang next thing I know, naghanap siya ng way para ma-suprise pa rin ako," kuwento ni Mikee.

Ayon kay Mikee, na-develop sila ni Paul habang magkasama sa "All-Out Sundays."

Pinakanagustuhan daw ni Mikee sa binata ang pagiging simple, sweet at trustworthy.

Dati nang inihayag ni Paul na gusto niyang si Mikee na ang kaniyang maging "last." --Jamil Santos/FRJ, GMA News