Inilahad ni Gabby Eigenmann na bilang isang "Eigenmann," nakararamdam siya ng pressure bilang isang aktor dahil galing siya sa angkan ng mga mahuhusay na artista.

"Influence, yes, but mostly pressure. Kasi siyempre lahat ng mga sumusubaybay sa pamilya namin, ang laging sinasabi 'Ah 'yan 'yung angkan na 'yan, mga magagaling na aktor, magagaling na aktres,'" sabi ni Gabby sa GMA Regional TV Early Edition.

"So medyo pressure na nu'ng pumapasok ang generation namin. We have to be at par or at least kahit paano mahabol namin, kasi 'yung expectation was very high. Pero it was very helpful kasi nga malaking factor 'yung dugong Eigenmann, they expect na mapahilera [kami] sa mga lolo at lola, tito at tita, sa daddy," dagdag ng aktor.

ADVERTISEMENT

Si Gabby ay anak ng aktor na si Mark Gil sa modelo at aktres na si Irene Celebre. Tiyuhon at tiyahin niya sina Michael de Mesa at ang namayapang si Cherie Gil.

Lolo at lola naman niya ang "Elvis Presley of the Philippines" na si Eddie Mesa at aktres na si Rosemarie Gil.

Sinabi rin ni Gabby na kahit nanggaling sa pamilya ng mga aktor at aktres, hindi niya naisip noon na maging isang artista.

"When I was growing up I never really imagined myself being in this industry. Mas nagustuhan ko noong una is being a commercial model," saad niya.

Pero kalaunan, nakahiligan din ito ni Gabby.

"Pero 'yun nga, nahiligan ko and I fell in love with it. So I'm very, very passionate with what I do, with the craft. Importante talaga is you love what you do, which I do and I'm very passionate about it."

Gaganap si Gabby bilang isang karakter na magpapahirap sa mga business people sa upcoming drama romance series na "Start-Up PH," kasama sina Alden Richards, Bea Alonzo, Jeric Gonzales, at Yasmien Kurdi. -- FRJ, GMA News